Pagod na yata ako
Pagod na yata ako sa pagpapaalala sa’yo
Hindi mo na ba natatandaan?
Iyo na ba talagang nakalimutan?
Ang mga oras at lahat nating pinagsamahan
Noong mayroon pang ikaw at ako
Noong sabik ka pa sa pag-uwi upang mahawakan
ang iyong telepono
“Baka hinihintay na ako ni Nicola”, siguro’y sabi mo
Noong panahong palagi pa tayong magkausap
Oras-oras
Minu-minuto
Hindi tayo nauubusan ng kuwento
Hindi na alintana kahit abutin pa ng alas kuwatro
Pero ngayo’y nasaan na ba?
Kung paano tayo mag-usap at magkuwentuhan noon…
Nagagawa mo na ba sa iba?
Ang paghingi mo ng paumanhin
Kahit ilang oras ka lang hindi makipag-usap sa’kin
Mahal, sabihin mo
Sa iba mo na ba sinasabi ang mga salitang noo’y
sinasabi mo lang tanging sa akin?
Mahal, ibang pangalan na ba ang unang pumapasok
sa isip mo kapag may nagtatanong sayo kung
sino ang mahal mo?
Mahal, hindi na ba ako?
Hindi na ba ako ang una mong naaalalang
kuwentuhan ng mga nangyari sa’yo
nitong nakakaraan?
Hindi na ba ako ang niloloko sa’yo ng
mga kaibigan mo dahil maging sila mismo’y
alam na ang gusto mo’y
hindi na ako?
Mahal, hindi na ba talaga ako?
Hinihintay pa din kita
Hinihintay pa din kita pero hindi na ang pagsasabi
mo ng “mahal kita”
Dahil, mahal, handa na akong marinig
ang sasabihin mong, “mayroon na akong iba”